Manila, Philippines – Hugas kamay ang mayorya sa Kamara kaugnay sa ibinunyag ni Senator Panfilo Lacson na naisingit na P4.3 Billion na umano’y Pork Barrel fund sa ilalim ng 2019 National budget.
Dahil dito, umapela si House Majority Leader Rolando Andaya sa Senado ng pangunawa sa kanilang paliwanag tungkol sa isyu.
Kaugnay nito ay ibinulgar ni Lacson na may P2.4 Billion na halaga ng mga proyekto na napunta sa Pampanga at P1.9 Billion naman sa Camarines Sur.
Giit dito ni Andaya, walang kinalaman sa P4.3 Billion worth of projects si Speaker Arroyo.
Malinaw aniya ang utos noon ng Speaker na maglaan ng P60 Million sa bawat kongresista para sa proyekto ng mga constituents, mapa-kaalyado man o taga-oposisyon.
Paglilinaw pa nito, ang binuong small committee sa Kamara na siyang responsable sa pag-amyenda sa budget ang siyang nag-apruba sa request ng public works regional directors ng Pampanga at Camarines Sur para sa flood control projects.
Bukod dito, klaro din ang kanyang suhestyon sa small committee na huwag munang magsisingit ng kahit ano sa pambansang pondo at hintayin na lamang sa bicameral conference committee ang mga pag-amyendang gagawin sa 2019 budget.
Nauna nang itinanggi ni Appropriations Committee Senior Vice Chairman Maria Carmen Zamora ang halaga ng umano ay Pork Barrel fund na naisingit sa pambansang pondo.