Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong linggong ito kumpara sa nakalipas na mga linggo.
Ayon sa DOH, ito ay bunga pa rin ng hotspots na binabantayan ng DOH.
Kinumpirma rin ng DOH na 50.8% na mechanical ventillators ang nagagamit ngayon sa Cebu, habang 85% naman na isolation beds.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nangangahulugan ito na malapit nang masagad ng Cebu ang kanilang critical care resources dahil sa patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 doon.
Bunga nito, mas hinigpitan pa aniya ngayon ang pagpapatupad ng minimum health standards at mas pinaigting pa ang contact tracing.
Patuloy din aniya ang pagpapalawak ng pagsasaliksik sa Convalescent Plasma Therapy (CPT).
Sa ngayon, ayon sa DOH, nakapag-deploy na sila ng 17,022 health personnel na tumutulong sa paglaban sa COVID-19.
Naglaan ang gobyerno ng 851 million pesos sa health facilities para labanan ang COVID-19.
Nakatakda namang magdagdag ang kagawaran ng P457 million para sa mga pasilidad at pagkuha ng medical frontliners.