Manila, Philippines – Para kay Senator Leila De Lima, delikado at nakakabahala ang nakaambang impeachment kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Diin ni De Lima, ipinapakita nito kung gaano kawalang hiya si Pangulong Rodrigo Duterte na ginagawa ngayon ang lahat para manatili sa kapanyarihan.
Ayon kay De Lima, ginigiba ni Pangulong Duterte ang Hudikatura para mawala na ang check and balance sa pamahalaan kung saan malaya na niyang magagawa ang pag-abuso.
Giit ni De Lima, winawasak ni Pangulong Duterte ang constitutional government para maideklara ang hangad nitong revolutionary government.
Dagdag pa ni De Lima, ginagamit ni Pangulong Duterte ang mga walang basehang reklamo laman kay Sereno para pagtakpan ang kanyang mga kapalpakan at kwestyunableng mga hakbang.
Kabilang aniya dito ang mga eskandalo at isyu ng katiwalian sa administrasyong Duterte, economic mismanagement, extra-judicial killings, kawalan ng respeto sa karapatang pantao, paglusot ng shabu sa Bureau of Customs kung saan sangkot ang kanyang anak na si Vice Mayor Paolo Duterte, problema pa rin sa operasyon ng MRT at pasuko sa China ng ating teritoryo sa West Philippine sea.