Naka-tiles na eskinita sa Marikina City, inirereklamo

Image via Facebook/Bayani Fernando

Nitong nakaraang linggo, naging viral sa social media ang tiles na ikinabit sa eskinita ng ilang barangay sa Marikina City.

Sa Facebook post ni Eule Rico Bonganay, Secretary General ng Salinlahi Alliance for Children’s Concern, sinabi nitong mas matinding perwisyo ang maaring idulot ng naturang proyekto ni Rep. Bayani Fernando dahil maraming madudulas na matanda at bata.

Aniya, “Ano kayang naisipan ni Bayani Fernando para i-tiles ang mga eskinita dito sa Marikina? Maliban sa lalong babaha dahil halos takpan ang mga drainage, napakadelikado rin sa mga bata at matatanda na malimit madulas lalo na ngayong maulan.”


Ang problemang nakita ng concerned citizen, hinaing din ng ilang naninirahan doon.

Sa panayam kay Bonganay ng isang local radio station, binanggit niyang napansin nila ito nang dalawin nila ang member organization na Batibot Early Learning Center sa nasabing lugar.

Giit niya, marami na umanong residenteng nadulas sa inilagay na makinis na tiles.

Paglilinaw ni Bonganay, hindi sila kumokontra sa intensyon ng lokal na pamahalaan na pagandahin o ayusin ang mga lansangan pero mas mainam kung hindi ito magdudulot ng kapahamakan sa publiko.

Ayon sa kongresista, nakarating na sa kaniya ang reklamo ng mga residente ukol sa proyekto at tiniyak na sosolusyunan ito sa lalong madaling panahon.

“‘Wag mabahala ang lahat dahil tinitingnan namin yung kung paano aalisin ‘yung konting kintab nun. ‘Pag ginaspangan natin hindi lilinis ‘yan, mahirap linisin,” pahayag ni Fernando.

Nilinaw din ng mambabatas na kahit makinis ang tiles hindi ito makakadulas ng tao.

“Inimport pa nga ‘yan. Pang exterior talaga ‘yan kaya nga nagtataka ako ba’t maraming nadudulas kaya tinitingan namin yun,” dagdag pa niya.

Matatandaang nag-post ukol sa kaniyang Facebook page si Fernando hinggil sa paglalagay ng non-slip tiles noong Pebrero.

Facebook Comments