Manila, Philippines – Para kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, malinaw na black propaganda, at political harassment sa mga miyembro ng oposisyon ang nakaambang kaso kaugnay sa pork barrel scam.
Tugon ito ni Sen. Drilon sa pahayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na sya at sina Senators Antonio Trillanes IV, at Leila De Lima, dating Budget Secretary Florencio Abad, at dating Pangulong Noynoy Aquino ay kasama sa mga kakasuhan ng tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles.
Kumbinsido si Drilon na ang nabanggit na hakbang ay naglalayong patahimikin at paghigantihan ang oposisyon.
Muli, binigyang diin ni Drilon na wala syang kinalaman sa anumang iregularidad sa paggamit ng Priority Development Assistance Fund o PDAF.
Sa katunayan, wala aniyang kahit magkanong bahagi ng kanyang PDAF ang napunta sa mga bogus na Non-Government Organizations o NGO ni Napoles.
Dagdag pa ni Drilon, handa syang sagutin sa tamang lugar at oras ang anumang asuntong ihahain laban sa kanya.
DZXL558, Grace Mariano