Nakagaraheng Van, Nagliyab!

Tuguegarao City, Cagayan – Sunog ang isang Sports Utility Vehicle (SUV) sa bahagi ng Zone 2 Larion Alto, Tuguegarao City bandang alas singko ng hapon ng Enero 19, 2018.

Napag-alaman na ang Space Gear Delica Van ay pag-aari ng isang balik bayan mula Australia na kinilalang si Genesis Angeles, 70 anyos.

Ayon kay FO1 Julian Cababang Jr. ng BFP Tuguegarao City Fire Station, kapapagawa lamang umano ni Angeles ng wirings ng nasabing sasakyan at ng maigarahe sa kanyang bahay, nagulat na lamang ito ng mapansing nagliliyab ang ipinagawang sasakyan.


Kaagad inireport sa BFP Tuguegarao ang insidente na agad din namang nagpadala ng 3 firetrucks upang respondehan ang nasabing nasusunog na sasakyan.

Wala namang nasaktan sa nangyaring insidente subalit tinatayang nasa humigit kumulang isangdaang libong piso ang halaga ng napinsala ng nasabing sunog.

Hinala ng mga bumbero, ang ipinagawang electrical/wirings at kalumaan na rin ng sasakyan ang sanhi ng pinagmulan ng sunog.

Facebook Comments