Manila, Philippines – Welcome para kay University of Sto. Tomas Faculty of Civil Law Dean Atty. Nilo Divina ang pormal na disbarment complaint na kinakaharap niya sa Korte Suprema.
Sa isang statement, sinabi ni Divina na pagkakataon na niya para tumugon sa mga isyung nilalaman ng ulat ng Senate Committees on Public Order and Dangerous Drugs at Justice and Human Rights.
Si Divina ay kabilang sa dalawampu’t isang abugado na miyembro ng Aegis Juris Fraternity na inirekumenda ni Senador Panfilo Lacson na maisailalim sa disbarment proceedings dahil sa tangka umanong pagtatakip sa kaso ni Horacio “Atio” Castillo III na hinihinalang namatay sa hazing.
Pero giit ni Divina, hindi patas at hindi makatwiran na siya ay makaladkad sa kontrobersiya gayong batay umano sa ebidensyang nakalap ng Senado, wala naman siyang alam sa pinaplanong hazing ng mga miyembro ng Aegis Juris.
Nanindigan din si Divina na hindi siya kasabwat sa alinmang tangkang cover up o pagtatakip sa krimen.
Katunayan, hindi nga siya nabanggit sa group chat ng mga miyembro ng Aegis Juris kung saan pinag-usapan ang tangkang pagtatakip umano sa pagpatay kay Atio.
Dagdag pa ni Divina, naging tulay pa nga siya sa pagsuko ng isa sa mga suspek na si John Paul Solano.
Patuloy umanong maninindigan si Divina na hindi siya gagawa ng alinmang iligal o hindi tama.