BAYAMBANG, PANGASINAN – Ikinababahala ngayon ng Municipal Health Office ng Bayambang ang bahagyang pagtaas ng bilang ng mga indibidwal na nagtutungo sa Animal Bite Treatment Center ng bayan dahil sa sila ay nakagat ng alagang hayop o mga stray animals.
Base sa naging monitoring ng Municipal Health Office sa pangunguna ni Dr. Paz F. Vallo, sa Animal Bite Treatment Center ng bayan ay noong 2020, umabot lamang sa 1,572, ang kanilang naturukan ng anti-rabies vaccine dahil sila ay nakagat ng aso at pusa.
Nakitaan nila ng pagtaas ang bilang ng indibidwal dahil nito lamang umano unang semester ng taong 2021 o mula January hanggang June umabot na agad sa 1,029, ang kanilang naturukan ng anti-rabies vaccine dahil sa sila ay nakagat o nakalmot ng aso at pusa.
Nakiusap ngayon ang MHO sa publiko na kung maaari ay nag-ingat at pabakunahan ang kanilang mga alagang hayop ng sa gayon ay maiwasan ang mas malalang problema.