NAKALUSOT | PCOO budget sa 2019, tinapos na ang deliberasyon sa Kamara

Manila, Philippines – Agad na nakalusot sa budget deliberation sa plenaryo ng Kamara ang P1.4 Billion na pondo sa susunod na taon ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Naging daan sa mabilis na paglusot sa plenaryo ang ginawang pagbibitiw si Mocha Uson bilang Assistant Secretary ng PCOO.

Matapos ang resignation ni Uson sinabi ni ACT Teachers Rep. France Castro na hindi na niya ipapa-defer ang budget ngunit sayang lamang ang pagkakataon dahil marami silang gustong itanong kay Uson.


Itinanggi din ni Castro ang paratang ni Uson na iniipit ng mga makakaliwang kongresista ang budget ng ahensya.

Pagsalang sa plenaryo, wala pang limang minuto ay agad na-terminate ang budget ng PCOO.

Wala na ring mga kongresista ang nagtangkang magtanong pa sa budget ng ahensya dahil terminated na rin ang mga attached agencies nito.

Ito na ang pangatlong salang ng PCOO sa plenaryo matapos na dalawang beses na ma-defer dahil sa hindi pagdalo ni Uson sa budget hearing.

Facebook Comments