Nakamamatay na tumor, matagumpay na natangggal sa isang alagang isda

Courtesy of James Cook University

Nakalalangoy na ulit ang alagang isda ng isang negosyante sa Australia matapos sumailalim sa operasyon para tanggalin ang nakamamatay na tumor nito.

Gumastos si Michael Dare, may-ari ng isang acupuncture clinic, ng $300 o nasa P15,000 para sa pagpapagaling sa alagang goldfish na si Bubbles.

Walong taon na mula nang nabili ni Dare ang alaga na noong anim na buwan ang nakararaan ay nagsimulang tubuan ng bukol sa tiyan, ayon sa mga ulat.


Napagdesisyunan ng amo na isalba si Bubbles kaya naman lumapit siya sa beterinaryong si Ingrid Danylyk-Huisman na nagsabing hindi ito ang unang beses na mayroon siyang inoperahang isda.

Gaya ng karaniwang proseso, unang pinaliguan ang isda ng tubig na may anaesthesia, saka ipinatong sa sponge habang patuloy pa rin ang pagdaloy ng pampamanhid sa bibig nito.

Tumagal ng 10 minuto bago tuluyang maalis ang tumor at maibalik sa tubig si Bubbles.

Hindi naman nanghinayang sa ginastos si Dare na naniniwalang hindi lang “mindless creature” ang mga isda.

“You put your hand in there and the fish will swim over your hand so there’s obviously a connection here with the fish… They acknowledge who you are and we acknowledge who they are,” aniya.

Facebook Comments