Mayroon pa lamang 80,372,656 subscribers ang nagparehistro ng kanilang Subscriber Identity Module (SIM) cards hanggang nitong April 22 sa buong bansa.
Ayon sa National Telecommunications Commission (NTC), mababa pa ito sa target na bilang dahil ang 80,372,656 subscribers na nagrehistro ng kanilang SIM cards ay kumakatawan lamang sa 47.84% o wala pang kalahati ng kabuuang 168,016,400 SIM cards sa buong bansa.
Sa ulat ng NTC, ang Smart Communications Inc., ang may pinakamataas na bilang ng mga narehistro ng SIM card o may 38,855,942, sinundan ito ng Globe Telecom Inc., na may 35,826,329 subscribers na nagrehistro at Dito Telecommunity na may 5,690,385 registered SIM cards.
Una nang sinuportahan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang panawagan ng iba’t ibang grupo na ma-extend ang SIM card registration para mabigyan ng sapat na oras na makapagrehistro ang mas maraming mamamayan.
Nilinaw naman ng NTC na kung may mga petisyon sa Korte Suprema para sa extention ng SIM card registration ay dapat na opisyal nilang matanggap ang kopya para makagawa ng aksyon.
Sa Miyerkules, April 26 ang deadline ng para sa SIM registration at kapag hindi nairehistro sa araw na ito ay ma-de-deactivate na ito o hindi na magagamit ng subscriber.