Manila, Philippines – Nakabalik na ng Maynila sina dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo at ACT Teachers Representative France Castro matapos magpiyansa.
Sina Ocampo at Castro ay kabilang sa Talaingod 18 na nakulong ng apat na araw na sinampahan ng kasong kidnapping, child abuse at human trafficking.
Ayon kay Joel Mahinay, abogado nina Ocampo at iba pa – naglagak ng piyansa ang kanyang mga kliyente ng ₱1.44 million kung saan ₱80,000 sa bawat akusado.
Inilabas ang release order ni Judge Arlene Palabrica ng Tagum City Regional Trial Court.
Binibigyan ng korte ang panig nina Ocampo na maghain ng counter affidavits sa loob ng 10 araw na nagsimula na nitong November 29.
Bukod kina Ocampo at Castro, kabilang sa mga binigyan ng pansamantalang kalayaan ay sina Pastor Edgar Ugal, Pastor Eller Ordeza, Rev. Ryan Magpayo, Rev. Jurie Jaime, Meggie Nolasco, Jesus Modamo, Maryro Poquita, Maria Concepcion Ibarra, Jenveive Paraba, Merhaya Talledo, Maricel Andagkit, Marcial Rendon, Ariel Ansan, Mariane Aga, Nerga Awing at Wingwing Daunsay.
Tinututulan naman ng police office at abogadong si Louie Padillo ang pagpapalabas sa Talaingod 18 dahil sumasailalim ang mga ito sa preliminary investigation para sa kidnapping, kabiguang ibalik ang mga menor de edad at ang pagpiyansa nila ay para lamang sa paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Para kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, maari nang ihanda nina Ocampo at iba pang inaakusahan ng child abuse ang kanilang depensa matapos silang palayain mula sa kustodiya ng pulisya.
Iginiit din ni Panelo na walang saysay ang mga akusasyon ng mga ito laban sa gobyerno dahil binigyan ang mga ito ng due process.
Aniya, nararapat lamang na dumaan sa legal na proseso ang kaso ni Ocampo at ng kanyang grupo.