Kinumpirma ng Universal Entertainment Corporation (UEC) ng Japan na inaresto ng Independent Commission Against Corruption (ICAC) ang gaming tycoon na si Kazuo Okada noong nakalipas na linggo dahil sa paratang na may kinalaman sa katiwalian.
Sa isang statement, tinukoy ng UEC na ito ay batay sa impormasyon na kanilang natanggap mula mismo sa ICAC ng Hong Kong.
Pero pansamantala na rin anilang nakakalaya si Okada matapos na magpyansa.
Si Okada ay dating chairman ng UEC bago ito nagbitiw sa pwesto noong June 29, 2017.
Kaugnay naman ng ginagawang pagsisiyasat ng mga otoridad sa Hong Kong, tiniyak ng UEC na makikipagtulungan ito sa ICAC sa Hong Kong.
Si Okada ay may reklamo ring kinakaharap sa Pilipinas matapos siyang kasuhan ng perjury at estafa ng Tiger Resort Leisure and Entertainment o TRLEI dahil sa sinasabing paglustay sa mahigit sampung milyong dolyar na pondo ng Tiger Resorts sa pagitan ng 2016 at June 2017.
Umaasa ang Tiger Resort, may-ari ng Okada Manila Hotel Resort sa Parañaque City, na sa lalong madaling panahon din ay mahaharap na ni Okada ang mga asunto laban sa kanya.