Sinabi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, Huwebes, na nagbagong-buhay na ang convicted rapist at murderer na si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez, base raw sa kuwento ng mga opisyal ng New Bilibid Prison (NBP).
Ayon sa dating Bureau of Corrections (BuCor) chief, “changed man na, changed man” na si Sanchez na napag-alaman niyang gumagamit na ng lipstick, nagsusuot ng palda, at malumanay na raw kumilos.
Nilinaw naman ni Bato na hindi niya pa ito nakumpirma nang personal dahil hindi niya pa nakikita nang harapan si Sanchez.
“Just to emphasize that according to the corrections officers sa Bilibid, although hindi ko siya nakikita personally, I never met him, hindi ko siya nakausap,” aniya.
“‘Mabait na, sir. Di na siga, malumanay na, changed man na. Nakapalda na, sir. Naka-lipstick.’ So yun lang ang sabi nila. Ibig sabihin hindi na siga, mabait na,” dagdag niya.
Hindi niya naman daw matukoy kung literal ba o figurative lang ang mga sinabi sa kaniya tungkol sa dating mayor.
Nauna nang sinabi ni Dela Rosa na nararapat bigyan ng pangalawang pagkakataon ang dating mayor na ikinulong matapos ang panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta, at pagpatay kay Alan Gomez, kapwa mga estudyante ng University of the Philippines Los Baños, noong 1993.
BASAHIN: Convicted rapist-murderer Sanchez, dapat bigyan ng second chance – Bato
Umani naman ng batikos ang balitang posibleng makalaya si Sanchez sa bisa ng Republic Act No. 10592 na nagdagdag ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) na ibinibigay sa mga bilanggo.