Nakaparadang Sasakyan, Ninakawan!

86

Santiago City, Isabela- Dalawang sasakyang nakaparada sa parking area ng Green View Lodge sa Mabini Santiago City, Isabela ang ninakawan ng mga hindi pa nakikilalang suspek madaling araw kahapon Enero 5, 2018.

Kinilala ang biktima at drayber ng sasakyang Toyota Hilux na may plakang NTQ 954 na si Walter Suarez, 43 anyos, may asawa, drayber ng isang kompanya at residente ng Eisenhower St., Greenhills, San Juan City.


Natangay ng mga suspek mula sa sasakyan ni Suarez ang kanyang tablet na nagkakahalaga umano ng labing anim na libong piso, sampung piraso ng Krebb MultiVitamins at labindalawang piraso ng Isopropyl Alcohol.

Natangay rin ng mga suspek mula naman sa minamanehong sasakyan ni Cesar Sambas, 39 anyos, may asawa, drayber ng isang kompanya at residente ng Green Heights Subdivision, Sucat, Paraṅaque City, ang sampung piraso ng Krebb MultiVitamins at labindalawang piraso ng Isopropyl Alcohol.

Batay sa imbestigasyon ng Station 1 PNP Santiago City, ipinarada at iniwan umano ng dalawang biktima ang kanilang sasakyan pasado alas sais ng gabi ng Enero 4, 2018 sa nasabing Lodge.

Nadiskubre na lamang ng dalawang biktima dakong alas sais ng umaga ng Enero 5, 2018 na natanggal ang kanilang window lock at nalimas na ang laman ng kanilang sasakyan.

Ayon sa mga biktima, hindi na sila magsasampa ng kaso kung sasagutin ng kapitan ng naturang barangay ang halaga ng nawala at nasira sa kanilang mga sasakyan.

Facebook Comments

From Advertisers