Cauayan City, Isabela- Natapos na ang isinagawang contact tracing ng mga awtoridad sa mga nakasalamuha ng nagpositibong pasyente sa corona virus sa Bayan ng Echague.
Ayon sa pahayag ni Municipal Mayor Francis Faustino ‘Kiko’ Dy, sinabi nya na umabot sa 27 katao ang may direct contact sa nagpositibong pasyente sa kanilang lugar.
Dagdag pa ng alkalde, hihintayin hanggang bukas ang resulta ng ipinadalang swab test mula sa DOH Region 2.
Aniya, sasailalim muli sa Enhanced Community Quarantine ang Echague kasabay ng pagbabawal na makapasok sa bayan ang sinuman.
Hiniling din nito sa mga Echagueños na huwag munang bumiyahe palabas ng bayan para magtungo sa mga ibang lugar upang matiyak na hindi kakalat ang nasabing sakit.
Kabilang din si Mayor Kiko Dy sa mga nagkaroon ng direct contact sa pasyente matapos unang makasalamuha ng isa sa mga staff nito ang nasabing OFW.
Ipinag-utos din niya sa mga opisyal ng barangay na siyang mangangasiwa para sa mga kakailanganin ng kani-kanilang mga kabarangay kung magtutungo sa palengke.
Nakatakdang simulan ang pamimigay ng kilo-kilong bigas sa bawat indibidwal habang isang (1) manok sa bawat pamilya.