Nakatakdang pagpapatupad ng single bus route, inalmahan ng Lawyers for Commuters Safety and Protection

Hindi umano napapanahon na bigyan ng panibagong pahirap ang mga commuters sa gitna ng nararanasang krisis na dulot ng COVID-19.

Ito ang pahayag ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) kasunod ng nakatakdang pagpapatupad ng single bus route o iisang ruta lamang ng bus sa kahabaan ng EDSA pagsapit ng ‘new normal’.

Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton, hindi mapapangalagaan ang kalusugan ng mga pasahero lalo pa’t hindi pa tapos ang panganib na dulot ng virus.


Batay sa inilabas na Memorandum Circular 2020-019 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), tanging ang rutang EDSA-Monumento-Baclaran na lamang ang papayagang bumiyahe sa buong stretch ng EDSA pagsapit ng June 1.

Aniya, malaki ang bilang ng maaapektuhang mga tsuper at konduktor sa planong ito ng LTFRB.

Pero higit aniya ang epekto nito sa mga commuters dahil kailangan pa nilang lumipat ng ibang bus kung galing ng Fairview patungo ng Baclaran.

Siguradong malalagay lang daw sa peligro ng pagkahawa ang mga commuters kung itutuloy ng LTFRB ang EDSA single bus route.

Nabatid na sa ilalim ng memorandum circular, hindi lahat ng existing bus unit na bumibiyahe sa EDSA ay bibigyan ng special permit bilang bahagi ng Rationalization Plan ng Department of Transportation (DOTR).

Facebook Comments