Nakatakdang state visit ni PBBM sa China, sentro ng kanilang unang bilateral meeting ni Chinese President Xi Jinping

Natuloy kagabi ang kauna-unahang pagkikita at bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Chinese President Xi Jinping na isinagawa sa Mandarin Oriental Hotel sa Bangkok, Thailand.

Ayon kay Pangulong Marcos Jr., ang kanilang unang bilateral meeting ay pagpapakilala lamang sa isa’t isa.

Ito kasi ang unang pagkakataon na nagkita ang dalawa.


Sinabi ng pangulo, masaya siyang nagkaroon ng oportunidad na makita at makilala ang presidente ng China sa gitna ng nagpapatuloy na APEC meeting sa Bangkok, Thailand.

Sumentro aniya ang kanilang pagpupulong sa kaniyang nakatakdang state visit sa China sa January 3 hanggang January 6.

Bukod dito napag-usapan rin ng dalawang lider ang ilang regional issues, hindi naman nilinaw ng Office of the Press Secretary kung kabilang dito ang isyu sa West Philippine Sea.

Inilarawan ng pangulo ang pagpupulong bilang ‘a very pleasant exhange’ o masayang pag-uusap.

Kasama ni Pangulong Marcos Jr., sa bilateral meeting kay Chinese Xi Jinping si dating Pangulong Gloria -Macapagal Arroyo na ikinagulat ni Chinese President Xi dahil ang dalawa ay magkaibigan.

Sinabi ng pangulo, nagkaroon ng ilang minuto pag-uusap ang dalawa na nakatulong din para maging makabuluhan ang pagpupulong.

Facebook Comments