PBBM, dadalo sa limang pagpupulong kaugnay sa APEC Summit Meeting at dalawang bilateral meeting sa Bangkok, Thailand ngayong araw

Nakatakdang dumalo sa limang pagpupulong kaugnay sa APEC Summit at dalawang bilateral meeting si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Bangkok, Thailand ngayong araw.

Batay sa impormasyon ng Office of the Press Secretary, alas-9:15 ng umaga, oras sa Thailand ay dadalo ang pangulo sa 29th APEC Economic Leaders Meeting retreat session 1 na gagawin sa Plenary Hall 2, Level 1 sa Queen Sirikit National Convention Center.

Alas-11:15 naman oras sa Thailand, dadalo ang presidente sa APEC Leaders informal Dialogue with guest na gagawin din sa Plenary Hall 2, Level 1 sa Queen Sirikit National Convention Center.


Alas-12:00 naman ng tanghali ay nakatakda ang bilateral meeting ng pangulo sa lider ng Saudi Arabia na gaganapin din sa Queen Sirikit National Convention Center.

Ala-1:00 ng hapon, may working lunch ang pangulo kasama ang mga APEC leader at mga bisita sa Queen Sirikit National Convention Center.

Nakatakda ring dumalo ang presidente sa APEC Leaders dialogue alas-2:45 ng hapon oras sa Thailand kasama ang APEC Business Advisory Council o ABAC na gagawin sa plenary hall ng Queen Sirikit National Convention Center.

Alas-4:30 ng hapon naman, oras sa Thailand, magkakaroon ng bilateral meeting ang pangulo sa lider ng France na gagawin rin sa Queen Sirikit National Convention Center.

Habang ang huling aktibidad ng pangulo ngayong araw ay pagdalo sa Royal Audience na gagawin sa Chakri Maha Prasat Throne Hall.

Facebook Comments