Nakaupong alkalde ng Jaen, Nueva Ecija, inatasan ng COMELEC na bumaba sa puwesto

Pinabababa ng Commission on Elections o COMELEC sa pwesto ang kasalukuyang nakaupong alkalde ng Jaen, Nueva Ecija na si Antonio Esquivel.

Ito ang nakasaad sa tatlong pahinang kautusan ng COMELEC 2nd Division na pirmado ni Presiding Commissioner Socorro Inting.

Sa inisyung status quo ante order ng komisyon, inaatasan si Esquivel na “peacefully turn-over” o mapayapang ibigay ang pwesto kay Sylvia Austria.


Ang status quo ante order ay epektibo sa lalong madaling panahon, sa loob ng 60 araw.

Matatandaan na si Austria, na siyang petitioner ay naghain ng petisyon sa COMELEC na kumukwestyon sa ilegal umanong panunumpa ni Esquivel bilang alkalde ng Jaen, Nueva Ecija.

Naglabas din ang COMELEC ng Temporary Restraining Order o TRO sa desisyon ni Judge Angelo Perez ng Gapan City RTC Branch 87, na siyang naging daan sa panunumpa ni Esquivel bilang Mayor ng Jaen.

Binigyan naman ng COMELEC si Esquivel ng sampung araw, mula sa araw ng pagtanggap ng kautusan, upang magsumite ng tugon.

Sa darating na January 28, 2021 naman ay magdaraos ng hearing ang 2nd Division para sa pagdinig sa petisyon at isasagawa ito sa pamamagitan ng video conferencing.

Facebook Comments