Nakakuha na nang ilang ebidensiya ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pagpatay sa mamamahayag na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Spokesman PLt. Col. Dexter Versola na may hawak nang slug ang mga pulis.
Pina-cross match na aniya nila ito for ballistic test at iko-cross match din sa iba pang katulad na modus, para matukoy kung may mga kasong nangyaring katulad ng kay Percy Lapid.
Ang crossmatching ay ang pagkukumpara ng ballistic information, upang malaman kung ang isang baril na ginamit sa isang kaso ng pagpatay ay nagamit na rin sa ibang katulad na insidente sa ibang pagkakataon.
Sinabi naman ni Versola na kinikilala ng PNP bilang partner at bahagi ng democratic process ang mga broadcaster o mga nasa hanay ng media dahil sila ang nagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko.