Aabot na sa halos tatlong bilyong piso ang mga nakumpiskang smuggled agricultural products ng Bureau of Customs (BOC) sa taong ito.
Sa pagdinig ng Senado patungkol sa talamak na pagpupuslit ng mga produktong agrikutural sa bansa, sa pagtatanong ni Senator Risa Hontiveros patungkol sa operasyon ng ahensya, sinabi ni Customs Chief Intelligence Group Richard Rebong na sa taong ito o hanggang May 16, 2023, aabot sa P2.77 billion ang kabuuang smuggled agricultural products na nakumpiska ng BOC sa mga ports.
Aniya, pinakamaraming nakumpiska nila ay ang asukal at sibuyas na tig 34 seizures, carrots na 3 seizures habang ang mga natitira ay halo-halong seafoods at prutas na.
Samantala, nabusisi naman ni Senator Robin Padilla ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) kung magkano ang nawalang kita sa mga magsasaka noong nakaraang taon.
Ayon kay SINAG Chairperson Rosendo So na aabot sa halos P30 billion ang nawalang kita sa mga magsasaka noong 2022.
Pinakamalaki aniya rito ang bigas na nasa P10 billion, karne ng baboy at manok na P6 hanggang P7 billion at sibuyas na P3 hanggang P4 billion.
Malaki ang pagdududa na SINAG na responsable ang BOC sa pagkalugi ng mga magsasaka dahil hindi naman magiging talamak ang smuggling mga produktong agrikultural kung wala aniyang kasabwat sa ahensya na nagpapalusot bukod dito ay hanggang ngayon wala pa ring naipapakulong o napapanagot sa kaso laban sa anti-agricultural smuggling.