Nalikom na donasyon ng OVP para sa mga biktima ng Bagyong Odette, umabot na sa P33.58-M

Matapos manawagan ng tulong si presidential aspirant Vice President Leni Robredo para sa mga nasalanta ng Bagyong Odette ay umabot na sa 42.35 milyon pisong halaga ng assorted goods ang dumating sa Robredo People’s Council Relief Operations Center sa Katipunan Avenue, Quezon City.

Pumalo naman ng 33.58 milyong piso ang perang na-donate ng mga tao sa pamamagitan ng Tanging Yaman Foundation na ka-partner ng Office of the Vice President.

Sa dalawang linggo ring pagsasawaga ng relief operations sa Katipunan Avenue ay
higit 5,000 volunteers ang nagsalitan para sa bente kwatro oras na operasyon, kung saan pinagtulung-tulungan nila ang pagre-repack ng sako-sakong bigas, noodles, biskwit, de lata, hygiene kits, face mask, mga bote ng alcohol, at iba pang mga donasyon.


Kahapon, ika-30 ng Disyembre, ang huling araw ng pagtanggap at repacking ng mga donasyon sa relief operations center pero nangako si Robredo na patuloy ang pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo, partikular sa rehabilistasyon ng mga probinsya at pagpapatayo ng mga bahay.

Plano ni VP Leni na magtayo ng Angat Buhay villages, tulad ng una nang mga naitayo sa Marawi City, sa mga lugar kung saan nawasak ang mga tirahan ng daan-daang mga pamilya gaya sa Dinagat Islands.

Pagkatapos din ang kanyang quarantine ay tiyak din na iikot muli si VP Leni sa mga lugar na pinadapa ng bagyo.

Sa isang panayam, sinabi ni VP Leni na mahalagang nakikita siya ng mga tao bilang isang opisyal ng pamahalaan.

“ ‘Yung mensahe, ‘Hindi namin kayo iiwan.’ ‘Yun mensahe, ‘Andito kami, tutulungan namin kayo sa inyong mga pangangailangan,” sabi ni VP Leni.

Facebook Comments