Namatay na Bata, Muling Inilibing

Ilagan, Isabela – Sumuko rin ang mga magulang ng batang namatay sa sakit at tuluyan nang tinanggap ang kapalaran ng apat na taon nilang anak.

Napag alaman ng 98.5 Mhz RMN News Team na bagamat ramdam ang matinding hinagpis nina Ginoo at Ginang Jimmy Jacinto ay muling inilibing si Jenny Rose Jacinto alas sais ng gabi, Setyembre 2, 2017 na sinaksihan ng mga kaanak at mga naki-usyoso na ring mga ka-lugar.

Magugunita na sa pamamagitan umano ng pagpaparamdam ng bata ay sinabi ng isang erbularyo na buhay pa ito kaya nila inilabas sa kanyang nitso at ataul. At nagulat ang marami dahil sa likod ng ilang araw nang patay ay kamangha mangha na di ito tumigas at nagawa pang umihi at dumumi habang binabantayan ng mga kaanak.


Nakakuha naman ng larawan ang RMN News Team sa namuong mga dugo sa dulo ng daliri at paa ng bata habang ito ay nilalamayan ng pangalawang beses.

Magugunitang sa panayam ng 98.5 Mhz RMN News Team sa ama na si Jimmy Jacinto nagkasakit ang bata noong Agosto 28, 2017. Humupa ang lagnat kinabukasan pero muling bumalik ang sakit noong gabi ng Martes kaya isinugod agad nila ito sa ospital. Idineklarang patay ang bata noong araw ng Miyerkules at una itong inilibing noong Setyembre 1, 2017.

Sa pangalawang pagkakataon ay inihatid sa huling hantungan ang bata sa sementeryo ng Canapi, San Isidro, Ilagan City bandang alas sais ng Setyembre 2, 2017.

Facebook Comments