Namatay na si dating Ozamiz Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog, uminom ng gamot ayon sa PNP

Ini-imbestigahan na ng Philippine National Police ang pagkamatay ni dating Ozamiz Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog sa kanyang detention cell sa Ozamis police station.

Sa interview ng RMN Manila kay Police Regonal Office 10 Director BGen Rolando Anduyan, sinabi nito na ginigising kaninang alas-6:00 ng umaga ng mga pulis si Ardot Parojinog para sa nakatakda sana niyang pagdalo sa pagdinig ng kanyang kaso sa Ozamis City court, ngunit nakita nilang wala na itong buhay.

Ayon kay Anduyan, walang nakitang indikasyon na may nangyaring karahasan sa loob ng detention cell ni Parojinog lalo na’t mag-isa lamang ito sa kanyang selda.


Pero, dumadaing aniya si Parojinog ng pangangati sa katawan kagabi kaya nagpaalam siya sa mga pulis na payagang uminom ng gamot.

Bagaman walang nakitang sugat o tama ng bala ng baril sa katawan ni Ardot, isasailalim pa rin aniya ito sa masusing imbestigasyon upang malaman ang dahilan ng pagkamatay nito, batay na rin sa kautusan ni PNP Chief General Camilo Cascolan.

Sa ngayon ay inilagay na ni Anduyan sa restrictive custody ang chief of police ng Ozamis at lahat ng night shift duty personnel para sa imbestigasyon.

Si Ardot ay kapatid ni Ozamis City Mayor Reynaldo Parojinog na namatay sa isinagawang anti-illegal drug operation ng PNP noong 2017 sa kanyang bahay sa Ozamiz City.

Facebook Comments