Nagpositibo sa COVID-19 ang 26-year-old vlogger na si Lloyd Cafe Cadena, isang araw bago siya bawian ng buhay noong Biyernes, September 4.
Batay sa official statement na inilabas ng pamilya ni Lloyd nitong Linggo ng gabi, September 6, sa pamamagitan ng Facebook, na-confine ang vlogger sa ospital noong September 1 dahil sa mataas na lagnat at dry cough.
Agad aniya isinailalim sa COVID-19 test ang vlogger kung saan noong September 3 ay lumabas ang resulta nito at positibo nga ito sa virus.
September 4, alas-5:00 ng madaling araw habang natutulog, napansin ng mga hospital staff na unresponsive at namumutla siya kaya agad na tinawag ang kanyang doktor.
Dito ay inideklara ng doktor na inatake sa puso si Lloyd habang natutulog na siyang dahilan ng kanyang pagkasawi.
Ayon pa sa pamilya ni Lloyd, na-cremate na ang mga labi ng vlogger noong Sabado, September 5 at pansamantalang nakalagak ang kanyang abo sa kanilang bahay sa Cavite.
Nagpasalamat naman ang pamilya ng vlogger sa lahat ng nagdasal at nakiramay sa kanila.
Nabatid na ito ang unang pagkakataon na idinetalye ng pamilya ni Lloyd ang pagka-ospital nito hanggang sa kanyang pagkamatay.