NANAWAGAN | ALU-TUCP, iginiit na itigil na ang pag-ban sa provincial buses sa EDSA

Manila, Philippines – Gustong ipatigil ng workers group na Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ang implementasyon ng MMDA ng pagbabawal sa mga provincial buses na gumamit ng EDSA tuwing rush hour.

Ipinatupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang ban noong August 15 mula 7 a.m. hanggang 10 a.m. at mula 6 p.m. hanggang 9 p.m. sa layuning maibsan ang matinding traffic sa kahabaan ng EDSA.

Ayon kay Allan Tanjusay, spokesperson ng ALU-TUCP, doble gastos at pahirap ang epekto nito sa mga manggagawa sa mga lalawigan sa labas ng Metro Manila.


Inulan ng reklamo ang tanggapan ng ALU-TUCP mula sa mga manggagawa na Northern Luzon at Calabarzon region na naghahanapbuhay sa Metro Manila.

Tumaas ng mula 24 hanggang 36 pesos ang arawang gastos ng mga galing Bulacan, Cavite at Laguna magmula nang ipatupad ang traffic scheme.

Naniniwala ang grupo na kailangan muna ng tinatawag na time and motion study ng ban sa provincial buses sa EDSA at dapat isinasabay ito sa pagdaragdag at pagsasaayos ng mass transport system.

Gayundin ng pagpapabilis ng infrastructure projects upang mabilis na makarating ang mga manggagawa sa mga pook ng kanilang pinagtatrabahuhan.

Facebook Comments