Manila, Philippines – Ilang araw bago ang unang anibersaryo ng Marawi seige, halos isandaang mga katutubo ang dumating upang ipanawagan sa gobyerno na tanggalin na ang martial law sa Mindanao.
Sa isang forum sa Balai Kalinaw sa University of the Philippines (UP), sinabi ni Abdul Hamidullah, Sultan ng Marawi na hindi sila napanatag magmula ng isailalim ang kanilang lugar sa batas militar.
Kahit na ngayon na may Ramadan, hindi sila mapanatag dahil naging limitado ang kanilang galaw.
Marami na rin aniyang pang aabuso ang naganap at marami ring karapatang pantao ang nalabag.
Iginiit niya na kaya namang masolusyunan ang krisis sa Marawi kahit na walang martial law.
Sinabi naman ni Bayan Secretary General Renato Reyes na ibinaba ang standard sa pagdedeklara ng martial law.
Dapat lamang aniya itong ideklara sa actual rebellion at hindi sa imminent threat.
Unang idineklara ni Pangulong Duterte ang martial law sa Mindanao noong may 23 at pinalawig ito hanggang sa katapusan ng 2018 matapos pagtibayin ng kongreso.