Muntik nang bawian ng buhay ang isang ginang sa China habang tinuturuan ang anak sa takdang-aralin nakaraang Biyernes.
Inatake sa puso ang kinilalang si Wang, 36, matapos na hindi masagutan ng anak na nasa ikatlong baitang ang math problem na pauli-ulit nang ipinaliwanag ng nanay.
Nang magsimulang mainis, nakaramdam umano ng pagbilis ng tibok ng puso at hirap sa paghinga ang nanay, ayon sa ulat ng Sin Chew Daily.
Tinawag ni Wang ang asawa at dinala siya sa Xinhua Hospital kung saan napag-alaman na dumanas siya ng myocardial infarction o atake sa puso.
“If there had been any delay, she could have suffered from heart failure,” sabi ng doktor na si Yang Xiaoxue.
Umamin naman ang nanay na madalas siyang nayayamot sa anak tuwing tinutulungan sa mga assignment, ngunit hindi niya inasahan na mauuwi sa seryosong sitwasyon ang pagkainis niya.
Ipinaalala rin ng doktor na malaking ambag sa sakit sa puso ang stress at hindi pagkain ng masustansya lalo na sa mga nakababatang pasyente gaya ni Wang.
Samantala, pinayuhan naman ng psychologist na si Florence Huang mula sa Hong Kong, ang mga magulang na pag-aralang kontrolin ang kanilang emosyon.
Aniya, maaaring maapektuhan ang tiwala ng mga bata sa kanilang sarili kapag mapadalas ang agresyon sa bahay.