Nanay, nakakalap ng donasyon para sa libing bago umaming pinatay ang sariling anak

Isang nanay sa Florida na nakaipon ng $4,000 (higit P200,000) donasyon para sa pagpapalibing ng anak ang inaresto kamakailan matapos umaming responsable sa pagkamatay nito.

Dinakip nitong Biyernes si Victoria Jackson, 24, matapos umanong ipagtapat sa awtoridad na tinakpan niya ng unan sa mukha ang 10-buwan gulang na si Malachi noong Mayo.

Tumawag si Jackson sa 911 noong gabi ng Mayo 24 para sabihing natagpuan niya ang bata na walang malay sa kuna nito.


Isinugod sa ospital si Malachi ngunit hindi na nasagip pa.

Ilang araw makalipas ang insidente, gumawa ng GoFundMe page ang nanay para humingi ng tulong sa gagastusin para sa pagpapalibing ng anak.

“I want to give my son the best memorial service I can,” saad umano ni Jackson sa page ayon sa The Tampa Bay Times.

“I’ve never been so heart broken in my life. Please help me take care of my baby one last time,” dagdag pa niya.

Nakaipon ang naturang page ng $4,000 (higit P200,000), ngunit isinara rin ng GoFundMe nitong Sabado at sinabing ibabalik ang pera sa mga nagbigay.

Isang kaibigan ng suspek ang nagsumbong sa pulisya na sinabi umano ni Jackson na siya ang kumitil sa buhay ng anak.

“Tragedy is a time where you need to be the most compassionate and loving and kind and she totally just took advantage of that,” pahayag ng kakilala ni Jackson na isa rin sa mga nagbigay ng tulong.

Humarap ang nanay sa korte nitong Sabado at ikinulong nang walang piyansa.

Facebook Comments