Nangyaring pag-aresto sa isang vendor sa ikinasang clearing operations sa Parañaque City, umani ng batikos at pagkondena sa mga netizens

Umani ng baktikos at pagkondena ang nangyaring marahas na pag-aresto sa isang vendor sa kalagitnaan ng clearing operations sa Parañaque City.

Nabatid na nag-viral ang video ng pag-aresto ng Parañaque Task Force sa vendor na si Warren Villanueva kung saan ayaw nitong ibigay ang kaniyang kariton.

Limang tauhan ng Parañaque Task Force ang nagtulong-tulong na posasan si Villanueva habang ang isa sa mga ito ay sinipa pa sa mukha ang vendor.


Giit ng mga netizen, hindi naging tama ang pamamaraan ng mga tauhan ng Parañaque Task Force lalo na’t hindi man lang inintindi ng mga ito ang kalagayan sa buhay ng nasabing vendor.

Maging sina Senator Panfilo Lacson at Senator Nancy Binay ay nagkomento rin sa nangyari kung saan batid nila na dapat ipatupad ang batas pero sana ay ipinairal ng mga tauhan Parañaque Task Force ang pang-unawa.

Giit pa ni Lacson na gagawa siya ng hakbang hinggil sa nasabing insidente habang inihayag ni Binay na sana ay tinulungan na lamang ang vendor sa halip na arestuhin ito.

Nabatid na pinalaya rin si Villanueva matapos itong makiusap at humingi ng paumanhin sa pagpalag nito na makuha ang kaniyang kariton na tangging gamit niya para kumita ng pera para sa kaniyang pamilya.

Facebook Comments