Nangyaring problema ng Comelec sa katatapos lamang na automated election, nais malaman ng NAMFREL

Nanawagan ang National Citizens’ Movement for Free Elections o NAMFREL sa Commission on Elections o Comelec na ipaliwanag ang mga nangyaring problema sa sistema ng automated election sa katatapos lamang na botohan.

 

Sa isang press conference, Sinabi ni NAMFREL Council member Lito Averia, nararapat lamang na ipakita ng Comelec ang dahilan ng nangyaring problema dahil karapatan ng bawat pilipino na malaman ito bilang bahagi ng sinasabing transparency ng komisyon.

 

Nais din malaman ng NAMFREL ang paliwanag ng Comelec hinggil sa sinasabing java error na naging dahilan kaya bumaba ang porsyento ng nationwide election returns na galing sa transparency mirror server patungo sa iba’t-ibang media outlets.


 

Hinihikayat din nila ang Comelec na ipakita ang lokasyon ng central server maging ang back-up nito at kung sino ang humahawak ng nasabing operasyon.

 

Kasunod nito, ilahad din daw ng Comelec ang network set-up ng transmission router o yung tinatawag na “meet-me-room”, kung paano ito gumagana at sino ang nasa likod nito.

 

Sa huli, muling ipinanawagan ng NAMFREL na ilantad na ng Comelec ang itinatagong sikreto dahil oras na para malamam ito ng taumbayan.

Facebook Comments