Pinaiimbestigahan ng ilang mga kongresista sa Kamara ang nangyaring “superspreading event” sa Quezon City kung saan namahagi ng food packs ang isang konsehal ng lungsod.
Bagama’t sinisiyasat na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang nangyaring food distribution activity sa Barangay Matandang Balara noong Mayo, nais ng ilang mambabatas na magsagawa ng sariling imbestigasyon “in aid of legislation.”
Sa House Resolution 1884 na inihain nina Anakalusugan Partylist Rep. Michael Defensor, SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta at Quezon City Rep. Anthony Peter Crisologo ay hinihimok ang kaukulang komite sa Kamara na silipin ang naganap na “superspreading event” kung saan 6,000 mga residente ang nag-ipon sa iisang lugar para makakuha ng food packs na naging daan ng mabilis na pagkalat ng COVID-19 cases at lockdown ng barangay.
Giit ni Defensor, napakagulo ng nangyaring food pack distribution sa lugar dahil hindi man lamang kinuha ng mga event organizers ang pangalan, address at contact details ng mga residenteng pumunta kaya ngayon ay nahihirapan ang mga otoridad sa pagsasagawa ng kanilang contact tracing.
Naging daan pa aniya ang affair na ito para tumaas sa 197 ang COVID cases sa barangay nang wala pang isang linggo.
Napag-alaman pa sa mga report na 73 residente na dumalo sa aktibidad ang nakakuha o nahawa ng sakit na COVID-19.