Manila, Philippines – Nanindigan ang Court of Appeals (CA) sa pagbasura sa hirit ng Office of the Solicitor General na makunan ng statement si Maria Jane Veloso sa kanyang kulungan sa Indonesia.
Ang naturang statement o deposition ay gagamitin sanang ebidensya ni Veloso laban sa kanyang illegal recruiters na sina Cristina Sergio at Julius Lacanilao na kapwa nahaharap sa kasong qualified trafficking in persons sa Nueva Ecija Regional Trial Court.
Ayon sa Court of Appeals, walang merito ang hirit ng OSG dahil sa ilalim ng 1987 Constitution , may karapatan ang mga akusado na makaharap ang mga nag-aakusa sa kanya.
Si Veloso ay nahaharap sa parusang kamatayan sa Yogyakarta, Indonesia dahil sa pagbitbit ng iligal na droga.
Una na ring hinarang ng Public Attorney’s Office ang planong pagkuha ng deposition kay Veloso.
Ang PAO ay siyang kumakatawan kina Sergio at Lacanilao.
Una na ring pinahintulutan ng Nueva Ecija RTC ang pagkuha ng deposition kay Veloso sa Indonesia subalit kinontra ito ng Appelate Court.