Manila, Philippines – Iginiit ni dating Tourism Secretary Wanda Teo na malinis ang kaniyang konsensya.
Ito ay matapos kwestyunin ng Commission on Audit o COA ang mga transaksyon noong siya pa ang kalihim ng Department of Tourism (DOT).
Ayon kay Teo, kumpiyansa siya na wala siyang ginawang paglabag sa Anti-Graft Law noong siya pa ang tourism chief.
Kung may reklamo o kaso man na isampa laban sa kanya, sinabi ni Teo na sasagutin niya ang mga ito sa tamang forum.
Batay sa COA reports, mayroong mahigit sa dalawang bilyong pisong halaga ng iba’t-ibang maanomalyang transaksyon sa panahon ni Teo sa DOT.
Kasama na rito ang TV ad placement ng ahensya sa programa sa PTV-4 ng kapatid ni Teo na si Ben Tulfo, at pagsha-shopping ng mga mamahaling gamit sa duty free.
Nasilip din ng COA ang biyahe ni Teo sa limang bansa noong nakaraang taon kung saan siya nakatanggap ng mahigit P800 thousand subsistence allowance.
Si Teo at 93 iba pang opisyal ng DOT ay nakatanggap naman umano ng P19.29 million travel allowance.
Kinuwestyon pa ng COA ang P271.7 million ginastos ng DOT sa “Experience Philippines” campaign.
Nauna nang sinabi ng Office of the Ombudsman na maaaring “Liable of Graft” si Teo at patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang Anti-Graft Body.