Manila, Philippines – Kasunod ng inilabas na survey result ng Social Weather Station, kung saan lumalabas na 22% o 9.8 million adult Filipino ang walang trabaho, nanindigan ngayon ang Department of Labor and Employment na nananatiling stable ang employment situation sa bansa.
Ayon kay Labor Undersecretary Renato Ebarle, base sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority, nasa 5.4% o 2.3 million lamang na mga Pilipino ang walang trabaho.
Nakaambag aniya sa pagkakaroon ng magkaibang resulta ng survey, ang edad ng mga tinanong, kailan isinagawa ang survey at criteria sa pagsasagawa nito.
Gayunpamanan, ang survey aniya na nagmumula sa Philippine Statistics Authority ang official source ng employment information, at ito rin ang kinikilala ng global economies.
Base sa mga isinagawang pagaaral ng PSA, simula pa noong taong 2010, nasa average na 2.1% ang itinataas ng employment rate sa bansa.
Nananatili aniya sa tamang landas ang pamahalaan sa usapin ng pagpapatatag ng employment sa bansa, tulad na lamang ng pagpapatupad ng polisiyang Ease of Doing Business at implementasyon ng Build Build Build program.