NANINDIGAN | Grupo ni Quezon Rep. Suarez, muling iginiit na sila ang kinikilalang minorya sa Kamara

Manila, Philippines – Iginiit ng kampo ni Quezon Representative Danilo Suarez na sila ang kinikilalang minority group sa Kamara.

Ayon kay Deputy Minority Leader Alfredo Garbin, inimbitahan sila ng house committee on rules sa pangunguna ni Majority Floor Leader Rolando Andaya Jr., kasama si Suarez, Senior Deputy Minority Leader Lito Atienza at Deputy Minority Leader Anthony Bravo para ilatag ang legislative agenda sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Gloria Arroyo.

Sinabi ni Garbin, kung ipinagpipilitan ng kampo ni Marikina Rep. Miro Quimbo at ABS Partylist Representative Eugene De Vera na sila ang minorya ay dapat sila ang humarap at naimbitahan sa pulong ng rules committee.


Patunay lamang ng pulong sa rules committee na si Suarez pa rin ang kinikilala ng lider ng minorya sa Kamara at ang kanilang grupo ang lehitimong minority group.

Samantala, umapela naman si Suarez sa mga kasamahang mambabatas na intindihin ang sitwasyon at mag-move on na upang magawa na ang trabaho sa natitirang siyam na buwan bago ang pagpapalit muli ng Kongreso.

Nakahanda umano si Suarez na bitawan ang minority leadership kung ito ay igigiit ng Korte Suprema.

Facebook Comments