Manila, Philippines – Pinanindigan ni outgoing Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang kasong isasampa laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino kaugnay ng kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ito ay matapos mabatikos ang Ombudsman dahil sa mababang kaso laban kay Aquino.
Batay sa resolusyon ng Ombudsman, dapat sampahan ng kasong “usurpation of legislative powers” si Aquino dahil inaprubahan niya ang DAP na ang ilang bahagi ay idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.
Pero giit ni Bayan Muna Representative Carlos Zarate, dapat graft at malversation ang isampa kay Aquino gayong siya ang arkitekto ng DAP katuwang si dating Budget Secretary Florencio Abad.
Nakakuha naman ng kakampi ang Ombudsman kay Senator Panfilo Lacson.
Giit ni Lacson, tama lang ang kaso ng Ombudsman dahil hindi naman ibinulsa ni Aquino ang pondo mula sa DAP.