Manila, Philippines – Umapela ang Australian missionary na si Sister Patricia Fox sa Bureau of Immigration na ibasura ang kaso laban sa kanya.
Sa 26 na pahinang counter affidavit ni Fox, iginiit nito na walang basehan ang reklamo laban sa kanya at wala siyang nilalabag na patakaran kaugnay ng kanyang missionary visa.
Nanindigan din si Fox na hindi siya lumahok sa anumang anti-government rally gaya ng sinasabi ni immigration intelligence officer Melody Penelope Gonzales.
Binigyang diin pa nito na ang mga aktibidad na kanyang sinalihan ay may kaugnayan sa kanyang tungkulin bilang alagad ng simbahan gaya ng mga fact-finding missions, press conference at iba pang okasyon para maipalaganap ang salita ng Diyos.
Matatandaang noong April 16 ay inaresto si Fox ng immigration agents sa alegasyong paglabag sa itinatakda ng kanyang missionary visa.