NANLABAN | Hinihinalang holdaper, patay sa engkwentro sa Manila

Manila, Philippines – Patay ang isang umano’y holdaper matapos manlaban sa mga pulis sa Ermita Maynila.

Batay sa kuha ng CCTV camera ng Brgy. 663, makikita na nakatayo ang 20-anyos na lalaking biktima sa Silvia St. nang sumulpot ang riding-in-tandem.

Pahayag ng biktima, bumaba ang angkas at lumapit sa kanya sabay deklara ng holdap.


Tinutukan siya ng baril at kinuha ang kanyang cellphone at P1,500.

Matapos nito ay sinuntok ng suspek ang biktima at pinaputok umano ang baril sa kalsada.

Doon na napatakbo ang biktima at agad na dumulog sa Barangay.

Nagkataon namang may mga pulis sa lugar na humabol sa mga suspek.

Ayon kay Lawton PCP Commander Police Senior Inspector Randy Veran, umabot ang habulan sa Muelle del Rio kung saan nagpaputok umano ang angkas kaya napilitan ang mga pulis na gumanti ng putok.

Bumagsak ang suspek habang nakatakas ang kasamahan niyang rider.

Isinugod pa ang suspek sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Bukod sa cellphone at pera ng biktima ay nakuha sa suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu.

Sa pinangyarihan naman ng engkwentro narekober ng SOCO ang kalibre .22 na baril.

Inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng napatay na holdaper.

Facebook Comments