Manila, Philippines – Muling maghahain ng kaso ang isa sa mga stockholder ng Iligan Light and Power Incorporated (ILPI) laban sa mataas na opisyal ng kumpanya matapos siya umanong suntukin nito pagkatapos ng shareholder’s meeting.
Una nang inireklamo ni Uriel Borja ng syndicated estafa sina ILPI President Ralph Casino at dating director ng Mapalad Energy Generating Corporation na si Marcelino Agana dahil sa maanomalyang pagbili ng dalawang power plant noong 2011 na nagresulta sa pagmahal ng generation charge sa Iligan.
Ayon kay Borja, ipaghaharap niya ng reklamong physical injuries at assault si Agana makaraan umano siya nitong suntukin nang matapos ang ILPI shareholder meeting noong February 2, 2018.
Kaagad namang nagtungo si Borja sa Iligan City Health Office para sumailalim sa medical examination, gayundin sa police station 1 ng Iligan para isumbong ang pananakit sa kanya.
Naniniwala si Borja na ang pananakit sa kanya ay kunektado sa isinusulong niyang transparency sa ILPI sa hangad mapapababa ang singil ng kuryente sa mga residente ng Iligan.