Napabalitang Hatian ng Ayuda sa SAP, Ipapasakamay ang Imbestigasyon sa DILG

Cauayan City, Isabela- Ipapasakamay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa DILG ang imbestigasyon sa reklamo laban sa ilang opisyal ng barangay sa Bayan ng Cabatuan dahil sa umano’y paghati ng natanggap na ayuda sa SAP ng ilang residente.

Ayon kay Ginang Jeaneth Lozano, Regional Information Officer ng DSWD-RO2, nakarating sa kanilang kaalaman ang reklamo ng mga residente dahil sa binawasan ng P2,750 ang tulong pinansyal na kanilang natanggap.

Dagdag pa ni Lozano, sakaling mapatunayan na sangkot ang mga nasabing opisyal ay maaring patawan ito ng kaukulang parusa ng DILG sa kabila ng mahigpit na kautusan ng ahensya na huwag makialam sa pondo ng gobyerno para sa publiko.


Giit pa ni Lozano, tinitiyak aniya ng Lokal na Pamahalaan ng Cabatuan na masusing iimbestigahan ang mga opisyal ng barangay kung mayroon mang mapatunayan na nagsagawa ng paghati sa ayuda ng ilang residente.

Sa ngayon ay hinihintay pa rin ang ilang listahan ng mga indibiwal na apektado ng umano’y ginawang paghati sa ayuda.

Facebook Comments