Pinaiimbestigahan ni Senator Sherwin Gatchalian sa Commission on Higher Education (CHED) ang napaulat na “degrees for sale” sa ilang universities at colleges sa Cagayan.
Kaugnay na rin ito sa napaulat na pagdami ng Chinese students sa lalawigan kung saan ilan sa mga ito ay nagbabayad ng ₱2 million kapalit ng degree kahit hindi naman talaga pumapasok o nag-aaral.
Sinabi ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, na bagamat sinusuportahan niya ang internationalization sa ating mga higher education institutions (HEIs), mariin naman niyang tinututulan na ginagawang diploma mill ang bansa.
Aniya, ang pagbebenta ng diploma o degrees ay nagmamaliit sa ating pagsisikap na mapaghusay ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Inaatasan ni Gatchalian ang CHED na magpataw ng nararapat na multa o parusa sa mga HEIs at sa mga opisyal na hinahayaan ang ganitong iregularidad sa mga paaralan.
Dapat din aniyang iparating ang mensahe sa buong bansa at sa buong mundo na ang mga diploma sa Pilipinas ay hindi “for sale”.