Napaulat na Pagbisita ng Mga NPA sa Mga Ilang Kabahayan sa Cauayan, Minaliit

Cauayan City, Isabela – Pinawi ni PSupt Narciso Paragas, hepe ng PNP Cauayan City, Isabela ang agam agam ng ilang naninirahan sa Cauayan City tungkol sa mga armadong kalalakihan na nagpapakilalang kasapi ng New People’s Army(NPA) na nagbabahay bahay upang humingi ng pera, bigas o anumang pagkain.

Sa panayam ng DWKD 98.5 RMN News Team sa hepe ng PNP Cauayan, inamin niya na may report na umabot sa kanilang hanay pero hindi naman umano kasing dami ng mga napag uusapan sa social media dito sa lungsod ng Cauayan.

Kaya lamang daw nagdudulot ito ng pangamba sa marami ay dahil sa mga social media posts na kung saan ay madalas napagkukuwentuhan ang naturang insidente. Lalo na sa isang pangyayari kamakailan sa Barangay Marabulig, Cauayan City kung saan ay pinuntahan umano ng mahigit sampung armadong kalalakihan ang bahay ng isang principal ng eskuwelahan at nang walang mahingi na pera dahil marami umanong utang ang guro ay tinanong pa kung kelan siya sasahod at humingi na lang ang mga lalaking ito ng bigas at iba pang pagkain. Kasama din ang kuwento kung saan ay pinakatay pa umano ang alagang baboy ng isang grupo ng mga kalalakihang nagpakilala ding NPA sa may ari ng bahay na kanilang napuntahan at pagkatapos ay binaon pa ang mga natirang karne na di nila nakain.


Ayon sa hepe, ang mga ulat namang kahalintulad ng mga napag uusapan sa social media ay kanilang biniberipika ngunit ang mga ibang kuwento ay may mga kahalo nang mga kathang isip at kalokohan.

Magpagayunpaman, sinabi ng opisyal na gumagawa sila ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga mamamayan ng Lungsod ng Cauayan at wala umanong dapat pangambahan ng mga lokal na mamamayan

Magugunitang maliban sa Lungsod ng Cauayan ay may mga napapaulat din na mga insidente ng mga armadong kalalakihan na nagpapakilalalng NPA na kumakatok sa mga kabahayan sa karatig Lungsod ng Ilagan at mga Bayan ng Luna at Naguillan, Isabela.

Facebook Comments