Pinapa-imbestigahan ni Senador Risa Hontiveros sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang napaulat na kultura ng pang-aabuso, harassment at karahasan sa Philippine High School for the Arts o PHSA.
Nauna nang nagpahayag si Hontiveros ng suporta sa mga biktimang nagbunyag ng naranasang pang-aabuso sa loob ng institusyon.
Nakipagpulong ang opisina ni Hontiveros sa ilan sa mga biktima at napag-alaman na isang menor de edad na estudyante ng PHSA ang pormal na nagsampa ng reklamo laban sa isang non-teaching staff matapos ma-catcall noong Nobyembre 2019 sa loob mismo ng campus.
Layunin din ng pagdinig na matukoy ang mga pagkukulang at magmungkahi ng mga kaukulang reporma upang mapagbuti pa ang pagpapatupad ng Safe Spaces Act at iba pang mga polisiya para protektahan ang mga kabataan.
Base sa batas, ang mga paaralan ay kinakailangang magkaroon ng isang gender-sensitive environment at confidential mechanism para sa pag-uulat at pagtugon sa mga hinaing sa mga usapin ng sexual and gender-based harassment.
Diin ni Hontiveros, pangalawang tahanan ang turing sa mga paaralan kaya dapat ligtas at panatag ang mga magulang kapag ipinagkakatiwala rito ang kanilang mga anak.