Inihayag ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) na ilang mga kompanya sa bansa ang hindi sumusunod sa Service Charge Law.
Nabatid na sa ilalim ng bagong resolusyon ng Department of Labor and Employment (DOLE), dapat mapunta ang 100% ng service charge sa mga empleyado, regular man ito o hindi, bukod pa sa tip na binibigay ng customer.
Sa dating batas, ang hatian sa service charge ay 85% para sa empleyado at 15% sa may-ari ng negosyo.
Ayon kay NAPC Alternate Representative Sector Danilo Laserna, may mga restaurant, hotels, at resort na hindi sumusunod sa bagong batas dahil wala aniyang mapupunta sa mga business owner.
Dahil dito, kinalampag ng NAPC ang DOLE na mag-inspeksyon sa mga kompanya para matukoy ang mga hindi sumusunod sa Service Charge Law.
Hinikayat din ni Laserna ang mga service crew na maghain ng reklamo sa NAPC at DOLE para agad na maaksyunan ang nasabing isyu.