Manila, Philippines – Aminado si National Police Commission (NAPOLCOM) Vice Chairman Rogelio Casurao na nagkaroon ng sabwatan matapos na madiskubre ang nangyaring dayaan sa entrance examination ng Philippine National Police noong 2011.
Lumalabas kasi na pare-pareho ang mga mali at tamang sagot ng mga examiners.
Sa katunayan anya, napakahigpit na ng regulasyon sa pagkuha ng entrance examination sa mga bagong pulis.
Maging ang mga proctor o mga professor na magbabantay sa mga kukuha ng pagsusulit ay hindi rin pinauuwi sa kanilang mga pamilya.
Ayon kay Casurao, lahat na nga ng paraan ay kanilang ginagawa para maiwasan ang mga ganitong aktibidad pero may ilan pa rin na mga sumusuway.
Pagtitiyak ng opisyal – mananagot ang nasa likod ng mga ganitong gawain.
Hinikayat din nito ang publiko, ipagbigay alam sa kanilang tanggapan ang mga madidiskubreng katiwalian sa entrance exam ng PNP.
Una nang naglabas ng memorandum circular ang NAPOLCOM para sibakin sa serbisyo ang nasa 200 pulis na nandaya.
Nanatili namang nasa floating status ang mga sangkot na pulis habang inihahanda ang kasong administratibo laban sa mga ito.