Manila, Philippines – Nanindigan ang National Police Commission (NAPOLCOM) na nagsasagawa sila ng imbestigasyon at dumadaan sa tamang proseso ang pagpapataw nila ng parusa sa mga pulis na lumalabag sa batas.
Kasunod ito ng pahayag ni Senator Ping Lacson, chairman ng Senate Committee on Public Order na ipapatawag ang PNP-Internal Affairs Service at NAPOLCOM para imbestigahan ang reinstatement ni Supt. Marvin Marcos at sa labing walo nitong kasamahan na sangkot sa pagpatay kay dating Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Pero ayon kay NAPOLCOM Vice Chairman Rogelio Casurao, hindi dumaan sa kanila ang administrative case ng grupo ni Marcos.
Aniya ang PNP-Internal Affairs Service ang humawak nito habang ang Justice Department naman ang nagsagawa ng imbestigasyon sa criminal case nito.
Paliwanag nito, ang naiba lamang sa kaso ni marcos dahil sa binitawang pahayag ng pangulong duterte kung saan pinabalik nito ang grupo ni marcos sa serbisyo.
Noong nakaraang linggo ay muling nakabalik sa serbisyo ang grupo ni supt. Marcos matapos ang apat na buwang suspensyon dahil sa pagkamatay ni Espinosa.