Manila, Philippines – Nakilala na ng otoridad ang sinasabing may-ari ng ilegal na paputok na “Yolanda” na ginamit sa pagsalubong ng Bagong Taon sa Tondo, Maynila.
Kinilala ni Tondo Police Station Chief Investigator Inspector Adonis Sugui ang suspek na si Jonjon Sablay.
Batay sa Closed-Circuit Television (CCTV) footage, hawak ni Sablay ang Yolanda na sinindihan ng kaniyang kasamahan.
Hindi sumabog ang paputok kaya binuhusan nila ito ng tubig at iniwan sa kalsada.
Pero, makalipas ang putukan, nakita sa CCTV ang dalawang binatilyo na sina Richard Reyes, 11-anyos at Carl Kenneth Amaas, 13-anyos na namumulot ng paputok.
Sinindihan ni Amaas ang mga napulot na paputok kung saan nadamay din ang hawak ni Reyes na Yolanda.
Pinutol ang kanang kamay ni Reyes na hanggang ngayon ay hindi pa naimumulat ang mata dahil sa natamong sugat sa pagsabog habang nasunog naman ang mukha ni Amaas.
Nahaharap sina Sablay at lima niyang kasamahan sa kasong serious physical injury at paglabag sa executive order no. 28 na nagbabawal sa paggamit ng paputok.