Narekober na Bangkay ng NPA, Ipinapanawagan ng PNP San Guillermo!

Cauayan City, Isabela- Nananawagan ngayon ang PNP San Guillermo, Isabela sa sinuman na makipag-ugnayan sa kanilang himpilan upang kilalanin ang kanilang narekober na bangkay na isang miyembro ng New People’s Army (NPA) upang mabigyan na rin ng disenteng libing.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLT George Dayag, OIC ng PNP San Guillermo, hindi pa nila matukoy ang bangkay na kanilang narekober kahapon sa Sinalugan creek sa Brgy Colorado, San Guillermo, Isabela.

Aniya, ang Sinalugan creek ay sakop ng lugar sa nasabing bayan kung saan nagkabakbakan ang militar at NPA noong Oktubre 22, 2019.


Batay naman sa pagsusuri ng mga otoridad ay mayroon itong tama sa kaliwang paa at sa kanyang likod na posibleng dahilan ng kanyang pagkamatay.

Kasama sa mga narekober sa tabi ng bangkay ang 2 bandila ng CPP-NPA, back pack, bandolier, telescope, mga bala at magazine ng M16, maliit na gas stove, medical kits, mga subersibong dokumento, 2 kilo ng bigas, 2 camouflage, mga damit at pantalon, kumot, tsinelas, mga sabon at iba pang mga personal na gamit.

Nasa isang punerarya pa lamang sa nasabing bayan ang narekober na bangkay na pinaniniwalaang isang katutubong Agta base na rin sa mga suot nitong kwintas.

Hiniling naman ni PLT Dayag sa mamamayan na kung may mapansin na may mga tao na kahina-hinala sa lugar ay agad na ipaalam sa kapulisan o sa kasundaluhan.

Samantala, patuloy pa rin ang clearing operations ng mga otoridad sa barangay Burgos at San Mariano Norte na pinangyarihan ng magkasunod na engkwentro.

Facebook Comments